Isang pagtitipon ng mga Pinoy sa Nagoya noong Hunyo 5, 2015 |
1989 noong ako’y magsimulang mag-aral sa Nagoya
Daigaku o Meidai. Makaraan ang lima’t kalahating taon noong 1994 ay natapos ko
ang aking pag-aaral at nakamit ang antas na M. Eng. at D. Eng. Makaraan ang
higit dalawampu't taon ay bumalik ako sa Meidai bilang isang “alumnus” at
“visiting professor” mula sa De La Salle University noong Hunyo 2015. Sa tagal
ng panahon na yon napansin ko ang pagkaka-iba ng kabuhayan namin NOON at ng mga
iskolar ng Meidai NGAYON. Hayaan niyo akong ma-ikwento ang aking mga obserbasyon.
Komunikasyon.
NOON ay wala pang internet. Ang telepono ang pinakaparaan namin upang makausap
ang aming mga mahal sa buhay. “Long distance” ang tawag mula sa Japan hanggang
Pilipinas. Kung ikaw ay madaling ma-homesick katulad ng marami sa amin,
magbudget ka ng isang libong yen bawat linggo at makakausap mo ang iyong pamilya ng mga 20 minuto. Buti na lang may
mga taga-Iran na nagbebenta ng mga telephone card na masmatagal maubos ang
load. Kung ikaw ay nakatira sa Meidai Sakurayama Kaikan, ang telepono ay nasa
labas. Isipin mo kung gaano kalamig tuwing winter sa Nagoya at maski na balot
na balot ka e naginginig ka pa rin habang kinakausap ang iyong misis o mister.
“Hello, honey, sana nandito ka para mag-init ang kapaligiran ko,” ang iniisip
mong sabihin sa kausap mo. NGAYON, dahil sa may internet na, e, napakadaling
kausapin ang pamilya mo. May skype, viber at facebook. Kung libre ang internet
mo dahil sa may wifi o dahil nasa loob ka ng campus, eh di libre rin ang komunikasyon mo. Diyan
nalugi ang mga taga-Iran. Kaya ngayon iba na business nila – Kebabs na! Di ba
pinipilahan ngayon ang “megaKebab” sa Japan.
Sulat.
Pagdating namin sa Japan, ang una naming inalam ay kung nasaan ang Post Office
– yung may simbulo na parang letrang “T”. NOON, ang sulat ang pinakamatipid na
paraan para maipaalam mo ang buhay mo sa pamilya, nobyo o nobya mo. Ang pagpapadala at paghintay ng liham o post card
ay isa sa aming pastime sa Japan. Pagkagaling namin sa pamantasan ang una
naming titignan ay ang aming post box. NGAYON, ang pagpapadala ng mga mensahe
ay napakabilis sa pamamagitan ng text sa mga bagong telepono, kompyuter at sa
facebook. Hindi lang letra ang mababasa mo, pati mga letrato ay makikita mo.
NOON, nagpapadebelop pa kami ng mga letrato namin dahil hindi pa uso ang
digital camera. Ay naku, napakamahal ng
debeloping maski na sa NU Coop. At siyempre, kapag marami kang letratong
isiningit sa sulat, eh, nagmamahal ang babayaran mo sa post office. Magtitipid
ka na naman sa pagkain mo.
Shopping.
NOON ang bilihan namin ng mga damit lalong lalo na ng mga jacket ay sa Komehyo
"ukay ukay." Madalas nga ang biruan namin eh, kung buhay pa kaya ang
may-ari nitong coat na binibili namin. NGAYON may UNIQLO at GU na! Murang mura
na ang mga damit sa Japan ngayon.
NOON. Ang "ukay ukay" noon ay nasa kalye lang. Ngayon maayos na ang ukay ukay sa Komehyo |
NGAYON. Mura-mura na ang damit sa Japan gaya dito sa UNIQLO. |
NOON: Midnight shopping ang uso noon. Furniture, TV at iba't ibang gamit sa bahay ay makokolekta mo ng libre. Pawis at puyat lang ang kapalit. |
Eat-Out.
NOON, ang paborito naming kainan ay ang Sugakiya. Sa Sugakiya ay mura ang
ramen. May soft ice cream pa. Ang Mister Donut sa Motoyama ay tambayan namin
tuwing tag-init. Malamig at libre ang refill sa kape dito kaya sa Mister Donut
kami naglalaro ng Scrabble. Isa ring paboritong resto sa tapat ng Kaikan (medyo
mahal) ay ang Asakuma Steak House. Paminsan minsan ay kumakain kami dito lalo
na kapag katatanggap lang namin ng shogakukin. NGAYON, sushi na ang “in” sa mga
Pinoy. Noon, kumakain lang kami ng sushi kapag may kompa sa lab. Ngayon, mura
na ang sushi sa Japan , gaya ditto sa Sushi-ro – isang resto na may sushi na
umiikot. Makakapili ka ng sushi na nais mong kainin.
Stress
Reliever o Libangan. Pagkatapos ng isang linggong pag-re-research sa lab,
kailangan naming mailabas ang stress. Kung hindi, baka mabaliw kami. NOON,
sports (volleyball, basketball, bowling, biking) ang isang paraan para kami ay
malibang lalo na tuwing Linggo. Madalas ay naglalaro kami sa Meidai Gym.
NGAYON, napansin ko ay libangan ng mga Pinoy pagdating ng alas-singko ng hapon
ay tumambay sa tapat ng Toyoda Hall at mag-picnic. Minsan nadaanan ko ang isang
grupo ng mga NUGELP na estudyante na nag-se-selfie habang umaawit. Tiyak,
i-a-upload yan sa YouTube.
Salo-Salo.
Ang Pinoy ay tunay naman mahilig sa salo-salo. NOON, ako at si Daisy ang
madalas na nag-o-organisa ng welcome party sa mga bagong dating na mga iskolar.
Bawat Pinoy ay magluluto ng paboritong putahe (pansit bihon at kilain ang
linuluto ko noon) at dadalhin sa Sakurayama Kaikan o sa bahay ng host (madalas
sa apato ko o sa mansion ni Daisy). NGAYON, si Joyce, isang associate professor
sa Meidai, ang taga-kontak ng mga Pinoy
tuwing may planong mag-get-together. Tuwang tuwa ako ng dumating ako sa
Meidai noong Hunyo 2015, dahil nagsalo-salo ang mga Pinoy sa tapat ng Toyoda
Hall. May beer, juice, coke, potato chips, kara-age at iba pa na pinapak namin
sa malawak na hardin ng Meidai. Buhay pa rin ang pakikisama ng mga Pinoy sa
Meidai. Itong samahang ito ang dahilan kung bakit na-iraraos ng mga iskolar ang
matinding hamon at hirap na tapusin ang kanilang antas na pang-Master o pang-
Doctor.
Kung ikukumpara ang buhay NOON at NGAYON, masasabi
natin mas-magaan ang takbo ng buhay ngayon dahil sa teknolohiya. Subalit dahil
din sa teknolohiya ay mas maraming bagay na nakaka-abala sa mga iskolar, hindi
gaya noon na ang pag-aaral at homesick lang ang dapat mong pagtuunan ng pansin.
Ito ang bagong hamon sa mga bagong iskolar. Gamitin ang teknolohiya upang
gumaan ang buhay sa Japan at makatapos sa pamantasan.
- Andy Oreta, 20 June 2015